“Magaling na talaga ang AI ngayon, kaya kailangang maging maingat ang mga tao. Kailangan nilang maging mapanuri, at ‘yan ang gusto nating ituro sa mga paaralan. Bahagi ‘yan ng tinatawag nating critical thinking,” ani Angara sa isang panayam.
Sa ilalim ng bagong pamumuno ni Angara, ang Department of Education (DepEd) ay nagsimula nang maglatag ng mga hakbang upang isama ang AI sa sistema ng edukasyon, ngunit may malinaw na babala: hindi dapat mauna ang teknolohiya sa batayang kaalaman.
“Hindi mo dapat bibigyan ng AI kung di pa siya marunong magbasa. Unahin muna ang pagbabasa,” dagdag pa niya.
Isa sa mga proyektong tinututukan ngayon ng DepEd ay ang pagtatayo ng isang AI research center—isang sentro na tutulong sa mga mag-aaral na unawain at maranasan kung paano gumagana ang artificial intelligence sa tunay na mundo. Layunin nitong tulungan ang mga estudyante at guro na hindi lang matuto ng teknolohiya, kundi matutong gamitin ito nang tama, responsable, at may malalim na pag-unawa.
Isa sa mga unang halimbawa ng AI integration ay ang paggamit ng Khanmigo, isang AI-powered learning assistant na dinevelop ng Khan Academy. Mula nang ilunsad ito sa Pilipinas noong Disyembre 2024, naging malaking tulong ito sa mga guro at estudyante. Sa halip na dalawang araw na paggawa ng lesson plan, ngayon ay kaya na itong tapusin sa loob lamang ng isang oras.
“Yung dati, dalawang araw, isang oras gawanan niya yung buong lesson plan,” kwento ni Angara.
Hindi lang dito nagtapos ang inisyatiba ng DepEd. Ayon pa sa kalihim, binigyan din ng AI tutor ang mga guro para makatulong sa self-checking—upang masiguro nilang tama at akma ang itinuturo nila sa kanilang mga estudyante.
Hindi na sapat ngayon ang simpleng pag-alam ng tama at mali. Kailangan ding marunong mag-analisa ang mga mag-aaral: totoo ba ito? May ebidensya ba? Sino ang nagsabi nito, at bakit? Sa isang mundo kung saan kahit ang mga larawan at video ay puwedeng gawing peke gamit ang AI, ang kritikal na pag-iisip ang magiging sandata ng kabataang Pilipino.
Bagama’t malaki ang maitutulong ng AI sa edukasyon—lalo na sa pagpapadali ng mga gawain ng guro, pagbibigay ng personalized learning, at pagkakaroon ng access sa iba’t ibang content—hindi ito dapat gamiting pantapal sa kakulangan sa basic literacy.
Ayon kay Angara, kailangang unahin ang pundasyon ng pagkatuto: pagbasa, pagsusulat, pag-unawa sa binabasa, at pag-iisip ng malalim. Kapag malakas na ang pundasyon, saka lamang maaaring idagdag ang teknolohiya upang mapalawak at mapalalim pa ang edukasyon.
Habang patuloy na hinaharap ng mundo ang mga bagong hamon ng teknolohiya, nakasalalay sa edukasyon ang paghubog sa susunod na henerasyon—henerasyong hindi lang marunong gumamit ng AI, kundi may disiplina, talino, at kakayahang magtanong.
Sa panibagong direksyon ng DepEd sa ilalim ni Sonny Angara, may pag-asang mapag-isa ang layunin ng makabagong teknolohiya at makataong edukasyon—isang edukasyong hindi lamang nakatutok sa kaalaman, kundi sa pag-unawa, pagkilatis, at tamang paggamit ng mga impormasyon sa digital na panahon.
"Sa bawat batang marunong mag-isip nang malalim, mas kaunti ang mabibiktima ng kasinungalingan."
0 Comments