Mahal kong Sir OER,
Magandang araw po sa inyo. Ako po si Wilma, isang elementary teacher dito sa Cebu. Isa po ako sa masugid n’yong tagapakinig sa inyong podcast na “Sir OER Podcast,” lalo na tuwing gabi habang ako’y gumagawa ng lesson plan, nagche-check ng papel, o minsan ay habang nag-iisa sa aking silid at pinapakinggan ang katahimikan na tila ba mas malakas pa kaysa sa ingay ng buong araw.
Sir, sumulat po ako hindi lang para maglabas ng saloobin kundi para na rin humingi ng payo mula sa isang taong alam kong may malasakit sa mga gurong tulad ko. Isa po akong gurong dalaga, nasa early 30s na, at masasabi kong ilang taon na rin akong nagsusumikap, naglingkod ng buong puso, oras at panahon dito sa DepEd. Ngunit sa totoo lang, pagod na pagod na po ako.
Araw-araw, hindi lang pagtuturo ang aking iniintindi. Sa dami ng paperworks — M&E forms, reports, lesson logs, modules, plus kung anu-ano pang pinapapasa, agad agad na mga survey at forms na dapat masagutan agad through link sa gc — pakiramdam ko'y hindi na ako guro kundi isang sekretarya, encoder, o minsan, parang machine na lang. Nauubos ang oras ko sa papel at laptop kaysa sa mismong mga bata na siyang dahilan kung bakit ako nagtuturo.
Dahil dito, unti-unti ko na ring napapabayaan ang aking sarili. Di na ako madalas makapag-ayos, di na rin ako nakakapagpahinga nang maayos. Kung minsan nga po ay napapaisip ako, “Ito na ba ‘yun?” Lalo na po pagdating sa usaping puso — parang napag-iwanan na rin ako. Habang ang mga kaibigan at mga kasamahan ko’y may pamilya na, ako po ay natutulog pa ring mag-isa, naghahanda ng baon kinabukasan para sa mga batang di ko naman kaano-ano.
Sir OER, totoo po ba na kailangang isakripisyo ang sarili, pati ang puso, para sa tawag ng serbisyo? May pag-asa pa po ba para sa tulad kong guro na nagsisikap pero tila nalulunod sa responsibilidad? May panahon pa ba ako para magmahal at mahalin?
Nais ko po sanang marinig ang inyong payo sa inyong podcast — sana po ay mabigyan ninyo ng tinig ang katulad kong gurong tila napipi na ng sistema. Ano po ba ang dapat kong gawin? Paano ko po ba muling mahahanap ang balanse sa pagtuturo, sarili, at sa pag-ibig?
Maraming salamat po sa oras, Sir OER. Patuloy po akong makikinig at umaasang sa mga salita ninyo ay makakahanap ako ng liwanag.
Lubos na gumagalang,
Titser Wilma
*Abangan ang podcast ni Sir OER sa kanyang payo, payong Sir OER. By the way, maraming salamat po Titser Wilma sa inyong tiwala na ishare po sa akin ang iyong buhay pag-ibig. Sa mga gurong may problema sa lovelife, relasyon o tungkol man sa trabaho na matagal ng humihingi na payo, maaari po lamang i-message at i-click ito: Sir OER Official Page. Thank you.
0 Comments