Sa ilalim ng Senate Bill 3001, na tatawaging Rationalized Basic Education Act, hindi naman tuluyang binabasura ang Republic Act 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013. Ngunit partikular nitong layunin na alisin ang dagdag na dalawang taon ng senior high school.
“Mula’t simula, maraming sektor na ang kumukuwestiyon at tumutuligsa sa repormang ito sa edukasyon. Labindalawang taon na ang lumipas mula nang naisabatas ito, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nito natutupad ang mga layunin nito,” ani Estrada sa isang pahayag.
Giit niya, imbes na makatulong, dagdag-pasanin lang ito para sa mga estudyante at kanilang magulang — sa oras, sa gastos, at sa pag-asang makakahanap agad ng trabaho pagkatapos ng high school.
Sa ilalim ng kanyang panukala, magiging apat na taon na lang muli ang high school — kasunod ng isang taon ng kindergarten at anim na taon ng elementarya.
“Ang layunin ng panukalang ito ay gawing mas epektibo at makatwiran ang ating basic education system. Mas mapapakinabangan ang mga pondo, at mas magiging makabuluhan ang karanasan sa pag-aaral ng mga kabataan,” paliwanag ni Estrada.
Isa rin sa nais baguhin ng SB 3001 ay ang paggamit ng salitang “rationalized” kapalit ng “enhanced” sa kasalukuyang batas.
Bagama’t ngayon ay pinupuna na niya ang senior high program, isa si Estrada sa mga senador na bumoto pabor sa orihinal na K-12 measure noong 2012.
Ang nagsulong ng panukalang batas noon ay si dating senador Sonny Angara, na ngayon ay nanunungkulan bilang Kalihim ng Edukasyon.
Ayon kay Estrada, ang senior high program ay idinisenyo para iayon ang edukasyong Pilipino sa pamantayang pandaigdig — kung saan maaari sanang makahanap agad ng trabaho ang mga nagtapos ng high school kahit hindi na mag-kolehiyo.
Pero sa halip na makamit ito, lalong lumalaki ang problema sa implementasyon. Marami pa ring graduates ang nahihirapang makahanap ng trabaho.
Ang panukalang ito ay bahagi ng mas malawak na hakbang upang ayusin ang K-12 program.
Aminado naman ang Department of Education, sa pangunguna ni Secretary Angara, na may mga kakulangan sa programa. Kasalukuyan nang binabago ang curriculum, kung saan tinanggal na ang mahigpit na "tracks" o espesyalisasyon. Sa bagong disenyo, mga electives na lang ang pipiliin ng mga estudyante batay sa kanilang interes.
0 Comments